Ang Una kong Panulat sa Multiply gamit ang Tagalog.
Ito ang unang pagkakataon na sumulat ako sa Multiply gamit ang wikang Tagalog.
Sanay kasi akong magsulat sa Ingles. Datiing guro sa Ingles ang aking ina, at mula pa nung bata ko't naglalaro ng baril na yari sa dahon ng niyog ay minulat na niya ako sa pandaigdigang wikang ito. At ngayon na binata na ako't naglalaro ng baril na yari sa pixels (Tawag ng Tungkulin. Medalyon ng Karangalan. Tagabilang-Welga. Pili ka na lang.) ay walang halong paghahambog kong masasabi na magaling ako magsulat sa Ingles. Kung tutuusin ay mas komportable pa akong magsulat sa Ingles kesa sa Tagalog. Pero hindi ibig sabihin nito ay minamaliit ko na ang aking sariling wika. Ipinagmamalaki ko na ako'y Pilipino at anak-Bikolano, kahit na katayin man ng sariling kong mga kababayan ang katagang "uragon" at "magayon" (Takdain mo mukha mo Dyosa ).
Pero kahit Pilipino ako, mas gusto ko pa rin magsulat sa Ingles. Yun na ang kinasanayan ko. Kaya medyo naninibago rin ako sa sarili ko na nagsusulat ngayon ako sa Tagalog. Iniisip ko marahil ay pagod lang akong magsulat pa sa Ingles. Trabaho ko ang magsulat para sa mga banyagang kliyente limang araw kada linggo, at dahil sa dami ng sinusulat ko araw-araw ay nangangalay na ang utak kong magsulat pa ng mga bagay-bagay na hindi naman kasabay sa trabaho. Burn-out ika nga. Pero nakakapagtaka nga lang na meron pang puwedeng sunugin sa utak ko.
Isa na rin siguro sa dahilan kung bakit wala ako sa kondisyon magsulat ng Ingles ay dahil naaksidente ako kaninang umaga. Sumabit ang manggas ng aking salawal sa bisikleta at nawalan ako ng balanse. Pangalawang beses na yun na humadusay ako sa kalsada habang nagbi-bisikleta ngayong linggo (Yung una ay dahil nasobrahan yung pagliko). Nasugatan ako sa kanang tuhod, natipak ang kuko sa isang daliri ng aking binti, at sa lakas ng pagbagsak ko ay bumaon ang ilang malilit na bato sa paa ko. Nagpapasalamat ako sa Diyos (at konting pamuri sa Nestle Low Fat Milk) at hindi nabali ang aking tuhod, pero isa yun na karanasan na ayaw kong ulitin.
Idagdag mo pa siguro dito ang dahilan na isang linggo ko nang hindi nakikita yung nililigawan ko. Mahirap man aminin pero mahal ko na siya at miss ko na yung tao. Eto na ata yung sinasabi nilang lovesickness. Lovesick. Burn-out. May pang-tawas kaya si Manay Bebang dito?
Pero, kahit siguro ganito ka-epal ang kinalabasan, at least nakapagsulat ako sa Multiply ng Tagalog. Nakakagaan-loob pala sa pakiramdam, parang Downy sa kaluluwa.
Oh balon. ^ ^